Panitikan sa Pilipinas
Ang Panitikan sa Pilipinas ay pangunahing tumutukoy sa umiiral, umuunlad, at namamayaning uri at anyo ng katutubong panitikan sa bansang Pilipinas. Subalit nakakasama rin dito ang mga panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nasa labas ng sariling bansa, sapagkat inakdaan ang mga ito ng mga Pilipino, o ng may-lahing Pilipino sa malawak na nasasakupan ng paksa. Dahil dito, tinatawag ding Panitikang Pilipino[1] ang Panitikan ng Pilipinas.[2] Sa kasalukuyan, tinatawag din itong Panitikang Filipino[3], sapagkat kinabibilangan ng mga likhang pampanitikang nagmula sa at kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Mayaman ang Pilipinas sa sari-saring anyo at hubog ng panitikan na naglalarawan sa kalinangan ng mga Pilipino. Kabilang sa mga ito ang kuwentong-bayan, maikling kuwento o maikling katha, sanaysay, tula, dula, nobela, drama, balagtasan, parabula, bugtong, salawikain, kasabihan, pabula, alamat, tanaga, bulong, awiting-bayan, epiko, pelikula, at mga iskrip na pangradyo, pantelebisyon at pampelikula[3][4][5]
Kahulugan ng Panitikang Pilipino
May iba’t ibang mga manunulat at mga dalubahasang Pilipino ang nagbigay ng kahulugan sa panitikan ayon sa kanilang pananaw bilang mamamayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito sina Joey Arrogante, Zeus Salazar, at Patrocinio V. Villafuerte, bukod pa sa iba.[6]
Noong 1983, para kay Arrogante, isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng malikhain pamamaraan.[6]
Noong 1995, inilarawan ni Salazar ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang ideyang nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang pantaong natatangi sa sangkatauhan.[6]
http://tl.wikipedia.org/wiki/Panitikan_sa_Pilipinas
nakagawa rin sa wakas...
ReplyDelete